Savannah
Nagmamadali kong tinungo ang pinto ng kwarto ni Albrey dahil nakatanggap ako ng mensahe galing sa kapatid ko na uuwi na siya bukas ng pilipinas at hinihingi niya ang address ko. Hindi ko alam ang gagawin ko. Hindi ako mapakali. Paano ko ibibigay ang address ko at paano ko sasabihin sa kan'ya ang lahat ng ito?
Tatlong sunod na katok ang ginawa ko bago bumukas ang pinto. Nagulat pa ako dahil wala na naman siyang pantaas na damit ng bumungad siya sa akin. Naka cotton short lang siya at nakabalandra ang kanyang mga pandesal, bahagyang gulo-gulo ang kanyang buhok na halatang galing sa pag-higa. Alas-nuebe ng gabi kaya malamang ay patulog na siya. Hindi ba siya nilalamig? Naramdaman ko kasi ang paglabas ng malamig na hangin mula sa silid niya na marahil ay galing sa nakabukas na aircon. Sana nagdamit manlang siya bago niya binuksan ang pinto. Parang gustong-gusto talaga niya na laging ipakita sa akin ang hubad niyang katawan. Hindi pa rin talaga ako sanay. Oo, maganda ang katawan niya at parang kay sarap hawakan ng mga muscle niya, naala ko tuloy noong nakabangga ko siya na ang tigas-tigas ng katawan niya.