"May masasakyan pa kaya ako ngayon?" Bulong ko sa aking sarili matapos tingnan ang suot kong relo.
Pinagpatuloy ko ang aking paglalakad hanggang sa makarating ako sa waiting shed.
Umupo muna ako pansamantala, wala pa naman akong nakikita na bus na paparating. Kinuha ko sa aking bulsa ang rosaryo na regalo pa ng aking mabuting ina sa aking kaarawan. Nag-cross sign muna ako bago magsimulang magdasal habang hinihintay ang sasakyan.
Sa kalagitnaan ng aking pagdarasal ay may narinig akong kalabog na para bang isang malaking bagay na nahulog. Pagtingin ko sa bandang kanan ay may naaninag akong bagay sa di kalayuan. At ito ay gumagalaw.
Tinapos ko muna ang aking pagdadasal bago ko inayos ang sarili at planong puntahan iyon. Nagdadalawang isip pa ako kung pupuntahan ko pa ba ito baka isang patibong ito. At baka maiiwan ako ng mga dadaang sasakyan.
Sa huli ay pinuntahan ko pa rin ito. Nang ako ay papalapit na ay unti-unti ko na itong naaninag, isang lalaking nakahiga sa gilid ng kalsada sa ilalim ng poste ng ilaw.
"Diyos ko po," ani ko at patakbo na lumapit dito.
Ibinababa ko muna sa gilid ng poste ang aking bag at lumapit ang nakataob na lalaki.
"Okay lang po ba kayo Sir?", tanong ko rito. Pero hindi ito sumagot.
Agad ko itong itinahaya at dahil may kalakihan ang katawan nito at sa tingin ko rin ay matangkad ito ay nahirapan ako. Ginamit ko ang aking buong lakas para ayusin ang pagka-kahiga ng lalaki.
Nang tuluyan ko na itong maiharap ay doon ko lang nasilayan ang napakaamong mukha ng lalaki. Nakapikit ito kaya malaya kong pinagmasdan ang mukha niya. Ang makapal nitong kilay na binagayan ng mahabang pilikmata. May matangos na ilong, at mapulang labi na may konting pasa sa gilid nito. Napaka-gwapo nito.
Sa tingin ko ay lasing ito kaya napaaway. Hindi ko rin naman alam kung ano ang totoong nangyari sa kanya.
Dahan-dahan kung inilapit ang aking kamay sa kanyang noo at hinawi ang nakatakip nitong buhok. May galos ito sa bandang noo, dahil siguro sa kanyang pagka-katumba.
"Sir, naririnig niyo po ba ako?", tanong ko muli habang niyuyogyog ko siya sabay tapik sa kanyang pisngi.
"Hmm," tanging ungol lang ang naging sagot nito. Lasing nga ito.
Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin sa mga oras na ito. Bubuhatin ko na sana siya pero mabigat ito. Malaki ang katawan nito kompara sa akin. Hindi rin ako basta-basta makahingi ng tulong dahil wala naman akong nakikitang tao o bukas na mga tindahan.
"Kaya niyo po bang tumayo Sir?" Sinubukan kong hilahin siya pero hindi ko kaya.
Diyos ko, tulungan niyo naman ako. Hindi ko kaya ang isang to.
Maya-maya ay gumalaw ito at parang may sinasabi na hindi ko maintindihan.
"Ano po ulit yun Sir?" Wika ko. Bahagya ko pang inilapit ang aking tenga sa kanyang bibig.
"Jesh..sica," ani nito.
"Jessa po?" Parang tanga kong tanong.
"Don't leave me, Jessica." Sa wakas ay nakakapagsalita na rin ito nang klarado.
"Sino po si Jessica? Baka may number ka po sa kanya at pwede natin siyang tawagan." Tanong ko baka kasama niya ang pangalan ng babae na kanyang nabanggit.
"Please Jessica, don't leave me."
Hinawakan ko na lamang ang kanyang kamay at hinila siya patayo. "Sir, kailangan niyo na po bumangon."
Wala ako sa lugar para tanungin siya sa totoong nangyari sa kanya. Pero sa mga oras na ito ay naisip ko na kung ano ang nangyari sa lalaking ito.
"Jessica?" Wika niya nang tumingin siya sa akin at pilit na nililinaw ang kanyang paningin dahil sa kalasingan.
"No Sir, I'm not Jessica po. I'm just here to help you," sagot ko naman.
Nakaramdam ako ng awa sa kanyang sitwasyon ngayon. Nakasuot pa siya ng pormal na uniporme at buti hindi siya ninakawan dahil sa kanyang suot na mga mamahaling relo at kwintas.
"Jessica, you're back."
"Hindi po ako si Jessica sir. Ako po si Sister Emilie." Napakamot pa ako ng sariling ulo dahil sa kakulitan ng isang ito.
Lasing nga diba.
Pero hindi ito nakinig sa akin. Bagkus ay bahagya itong bumangon kaya inalalayan ko ito para hindi muling matumba. Ngunit nanatiling nakalapat sa sahig ang mababang parte ng katawan, at nakatukod ang isang kamay bilang pang-suporta.
Direkta sa aking mga mata ang mga titig nito. Kaya iniwas ko rin ang aking mga mata. Tatayo na sana ako pero agad niya akong hinawakan sa aking kamay kaya napabalik ako sa pagka-kaluhod.
"S..sir", wika ko sa nanginginig na boses.
Napatingin ako muli sa kanya. Ngayon ay nagkatitigan na kami. Sa sobrang bilis lang ng pangyayari namalayan ko na lang na magka-lapat na ang aming mga labi habang hawak niya ako sa batok.
Sa tanan buhay ko ay ngayon lang ako nakaranas ng isang halik. Noon pa man ay hindi ako nagkaroon ng mga nobyo bago pumasok sa kumbento. Maraming manliligaw pero lahat ng iyon ay hindi ko binigyang pansin.
Pero bakit parang may kakaiba akong nararamdaman na hindi ko mawari. Napamulat muli ako sa reyalidad na isa pala akong alagad ng Diyos at maling mali ang ginawa ko.
Agad ko siyang itinulak kaya muli siyang napahiga sa sementong sahig. Nagulat ako sa aking nagawa, at baka ay tumama ang kanyang ulo sa mga bato.
Hindi ko na alam ang aking gagawin. Aalis na sana ako pero kung iiwan ko siya dito ay baka may masamang mangyari sa kanya. Ako pa ang uusigin ng aking konsensya.
Buti naman dahil sa di kalayuan ay may paparating na bus. Agad akong tumayo at pinara ito.
"Saan po kayo Sister?", tanong sa akin ng konduktor bago nagmano sa akin.
"Uhm, may isang mama kasi na nakahandusay dahil sa kalasingan," sagot ko at itinuro ang kinaroroonan ng lalaki.
Sinulyapan lang ito ng konduktor. "Hayaan niyo na po yan Sister", sagot nito at umatras ng bahagya para paakyatin ako sa loob.
"Ay teka lang po, kawawa naman yung tao. Sige dodoblehin ko yung bayad." taranta kong sagot sa konduktor.
Bumuntong hininga ito bago bumaba. Dumiritso ito sa kinaroroonan ng lalaki. Bahagya pa niya itong sinipa sa binti. At nang makompirmang tulog nga ito ay tumawag na siya ng tulong sa drayber ng bus.
Kahit dalawa sila na umaalalay sa lasing na lalaki ay nahirapan pa rin sila. Buti naman ay may bakante sa pangalawang upuan malapit sa harapan at doon nila ito pina-upo.
"Ito ho bayad ko." Sabay abot ko ng pera sa konduktor.
"Saan po kayo hihinto Sister?" Tanong niya habang pinupunasan ang pawisin na mukha ng puting tuwalya.
"Sa Hope for Orphan lang po," sagot ko at naupo sa tabi ng lalaki.
"Eh yung kasama niyo po?"
Napatapik ako ng sariling noo nang mapagtanto ko na hindi ko pala alam kung saan nakatira ang lalaking ito. Pero bigla akong nakaisip ng ideya. Dali-dali kung tiningnan ang bawat bulsa ng damit ng lalaki. Nagbabakasakali akong may makita na I.D o kahit identity card ng lalaki ito.
Nang may makapa akong isang bagay sa kanyang suot na americana ay agad ko itong kinuha. Isa itong calling card, ngunit pangalan ng kompanya at numero lang ang nakalagay.
"Sa Houston Technology Company." Bigkas ko sa pangalan ng kompanya.
"Ahh, sa bandang north po yan Sister. Medyo malayo po yan dito. Pero madadaanan po namin yan." Paliwanag naman niya.
Hindi ko alam ang kompanyang ito at hindi ko na rin alam ang lugar na iyon. Sa tingin ko ay malayo iyon sa Hope for Orphan, kaya kung sasama pa ako at ihahatid ang lalaking ito ay tiyak na gagabihin ako ng sobra.
"Magkano po ba ang pamasahe papunta doon?"
"Aabutin po ng isang daan sister." Sagot nito habang binubutasan ang hawak nitong mga tickets.
"Pwede po ba akong makiusap?"
"Sige po, ano ba yon?" Sagot naman niya habang di pa rin tumitingin sa akin.
"Pwede niyo po ba itong ihatid doon? Baka pagdating doon ay may nakakakilala sa kanya. Kung sasama pa kasi ako, tiyak na gagabihin ako ng uwi." Pagmama-kausap ko.
Tumingin muna ito sa drayber sabay tanong. "Ano boss?"
Parang nabunutan ako ng tinik ng makita ko ang drayber na tumango, senyales na pumayag ito sa aking pakiusap. Salamat sa Diyos at nagawan ko rin ng paraan.
Inabot ko ang karagdagang bayad sa konduktor. "Maraming salamat po, kaawaan kayo ng Diyos."
Umayos ako sa aking pagkakaupo. Bumuga ako ng hangin at sinulyapan ang mapayapang natutulog na lalaki. Maya-maya ay gumalaw ito at sumandal sa aking abaga.
Napahawak ako sa aking dibdib. Bakit ba ako nagkakaganito? Ano ba itong nararamdaman ko? Diyos ko po, gabayan niyo ako. Ilayo niyo ako sa temptasyon.
Isinawalang bahala ko na lamang ang bumabagabag sa aking puso't isipan ngayon. Inayos ko ang pagkakasandal ng lalaki.
Dumaan ang ilang minuto ay huminto ang bus sa tapat ng Hope for Orphan. Itinulak ko ang lalaki papunta sa kabila at maayos na isinandig sa upuan.
Agad akong bumaba, at bago pa ako tuluyang bumaba ay sinulyapan ko muna ang lalaki.
Hanggang sa makababa na ako ay hinatid ko ito ng tingin hanggang sa hindi ko na matanaw ang bus. Lamang ng aking tahimik na panalangin ay ang kanyang kaligtasan na makauwi siya sa kanyang tahanan.