Malalim na ang gabi ngunit narito pa rin ako sa balkonahe ng condo unit ko. Nakatayo, habang pinagmamasdan ang mga tala sa kalangitan. Dama ko ang lamig na hatid ng hangin na nanunuot sa buo kong katawan. Tanging ang ilaw sa mga nagtataasang gusali at kislap ng tala at buwan, ang nagsisilbing liwanag sa madilim na kapaligiran.
Hindi naman ganito kalungkot dati. Hindi naman ganito katahimik ang gabi. At lalong hindi ganito ang pakiramdam sa tuwing titingin ako sa kalangitan.
Bahagya akong napangiti ng makita ko ang pagkislap ng tala. At gaya ng dati, ipinikit ko ang mga mata ko bago humiling...
"Sa liwanag ng buwan at kislap ng tala sa kalangitan, munti kong kahilingan sana'y iyong pagbigyan. Pagkalooban mo sana ako ng isa pang pagkakataon, upang itama ang mali sa aming kahapon," marahan kong usal sa aking isipan habang nakapikit. Tulad ng kung paano niya ipinikit ang mga mata niya at itinuro sa akin ang bagay na ito.
Niccolo Alejandro...
Paano nga ba kita makakalimutan? Ikaw ang nagturo sa akin kung paano pumikit at humiling sa mga tala. Ikaw ang nagparamdam sa akin kung paano ang piliin, sa kabila ng paulit-ulit na pagtanggi ng taong hiniling ko na sana ay mapasa'kin. Kung alam ko lang, sana pala hindi na ako tumingin sa iba. Sana pala, nakuntento na lang ako sa pagmamahal na ibinibigay mo. At sana pala, ikaw na lang ang pinili ko.
Ngunit kailan nga ba muling magtatagpo ang landas nating dalawa? Ilang taon na ba ang lumipas simula ng huli tayong magkita? Ilang taon na rin pala...simula ng tumalikod ka at hindi na muling lumingon pa.
Pinunasan ko ang luhang kumawala sa mga mata ko at handa ng pumasok sa loob. Ngunit napatigil ako ng makita ko ang liwanag na nagmumula sa cellphone ko. Hindi ko narinig na tumunog 'yon tulad ng pagtunog no'n kapag may tumatawag.
"Ibig sabihin text lang," bulong ko.
Baliwalang dinampot ko ang cellphone ko at naglakad na papasok sa loob, upang humiga at matulog.
Ngunit ng inilapag ko ang cellphone sa bed side table, muli 'yong umilaw. Nagdadalawang isip man, kinuha ko ulit 'yon at binasa ang mensaheng natanggap ko.
[Tulad ko, tinatanaw mo rin ba ang mga tala sa kalangitan ngayon?]
Iyon ang unang mensahe na nabasa ko mula sa hindi nakarehistrong numero sa cellphone ko. Binuksan ko pa ang isa at muling binasa. Ngunit daig ko pa ang naparalisa sa kinahihigaan ko ng mabasa ko ang pangalawang mensaheng nakita ko roon.
Bumilis ang pintig ng puso ko at tila ba may dumaloy na init sa katawan ko. Ito na ba 'yon? Ito na ba ang tugon sa kahilingan ko ngayon? Ito na ba ang tamang panahon para dugtungan ang naudlot naming kahapon?
Muli kong binasa ang mensahe na tulad sa nauna ay galing pa rin sa kaparehong numero. At ang numerong iyon ay mula sa taong akala ko'y nilimot na ako.
"Sigo pensando enti, mi amor."
[Still thinking of you, my love.]
Nico...
____°.°____
©All rights reserved
~PAUPAU~