"Malulusaw na si Pula kakatingin mo, Hopia." Tukso sa'kin ni Blu, siniko pa ako sa tagiliran kaya napaigtad ako palayo sa kanya at napahawak sa bakal ng swing na katabi namin.
Sa harap namin ay ang open court kung saan nagsasayaw ang grupo nila Red. Ang balak sana namin gumawa ng banner at magsisigaw na parang tanga. Kaso naubos na lahat ng lakas kong makibiro nung nakita ko na silang nagsasayaw-si Red na sumasayaw.
Lang'ya halatang hindi praktisado.
Ayaw ko na nga mag-cheer dahil ako na ang nahihiya para sa kanila.
"Kinginang sayaw 'yan." Ang nasabi ko na lang bago nailing.
Mahinang tawa lang ang sagot sa'kin ni Asul. "Igiling mo pa beybe!" Siya na lang ang sumigaw.
Kitang kita ko kung paano namula ang mukha ni Red habang tuloy ang pagsayaw na halatang walang practice. Iyong mga kasama niyang napapayuko na lang sa hiya at 'yung isa sa kasama nilang halatang mag-isang nag-plano ng steps.
Natapos ang sayaw nila at patakbong lumapit sa amin si Red. "Uwi na tayo." Aya niya sa amin ni Asul.
"Sayaw lang talaga ang ipinunta natin dito?" Tanong ko sa kanya.
Sabi niya sa'min may libreng pagkain kaya talagang gumising kami para suportahan siya, mukhang may ibang dahilan kung bakit niya kami niyakag. Lumapit ang isa sa kagrupo niya, nagtanong kung aalis na ba siya-kami.
"Oo, may gagawin pa kasi kami." Lumingon siya sa amin ni Asul at pinandilatan kami ng mata.
"Hindi ba may gagawin pa tayo?"
Tumango si Asul. Ako nanatiling nakatingin sa itim niyang mata. Pinandilatan ko siya pabalik.
"Anong ga-"
Tinakpan ni Asul ang bibig ko. "Meron, meron tayong gagawin." Nakangiting sabi pa sa'kin ni Asul bago tinanggal ang kamay sa bibig ko.
"Ang baba talaga ng SQ mo." Bulong niya pa sa'kin bago inangkla ang braso niya sa kanan kong braso.
"Ah gano'n ba? Okay sige." Dismayadong sagot ng kagrupo ni Red. "Next time na lang."
Gusto ko sanang sabihin na walang next time kasi nga pareho namang kaliwa ang paa ni Red. Napilitan lang talagang sumayaw dahil mandatory na sumali siya at gusto ng nanay niyang sumali siya.
"Hay salamat." Buntong hininga niya bago inangkla ang braso niya sa braso ko. Kung pwede lang siya sumayaw uli para mahawakan niya ulit ng ganto kahigpit ang braso ko, isasakripisyo ko na ang mata ko para panoorin sila araw-araw.
"Sa bahay na tayo kumain ha?"
"Sayaw ka na araw-araw para don na kami sa inyo" Natatawang sabi ni Asul.
Lalong lumakas ang tawa ni Asul na sinabayan naman ni Red. "Huli na nga 'to nakakainis talaga kasi si Hany masyadong mapilit mag-sayaw alam naman niya na parehong kaliwa paa namin."
"Sayang ala si Kuya Wins 'no?" Tukso ni Asul sa kanya, sampal sa puso kong namanhid na sa kakasampal nila sa katotohanang hindi magkakagusto sa'kin si Red.
Sa aming tatlong magkakapatid, sa kuya namin siya nahulog. Ako naman si tanga, nahila ni Red papunta sa kanya kaya hindi lang puso ko ang basag, pati kaluluwa ko yata. Alam naman na namin na si Kuya ang gusto niya pero parating may maliit na boses (na may pangalang Asul) ang bumubulong sa'kin at pinapaasa ako sa, "Malay mo naman 'di ba? Isang araw magising na lang siya na gusto ka rin niya."
Masamang umasa sa isang bagay na mas malabo pa sa mata ni Green. Pero wala namang nakakaalam ng hinaharap kaya susulitin ko na lang ang mga oras at araw na kasama ko siya.
⇽◊⇾
"Kami na ni Winston."
Sabay kaming napatingin ni Asul kay Kuya Wins na parang walang narinig at tuloy lang ang pagkain habang nanonood ng movie.
Akala ko noon kapag nagkaroon na ng malisya sa katawan si Kuya para kay Red magiging nakakadiring nilalang na siya tulad ni Wixton nung unang beses na-discover kung paano lumandi. Tipong makikita mo na nakabalandra sa madla 'yung hindi niya maitagong pagnanasa sa romantic partner niya.
Kaso si Kuya nga pala 'to at si Red ay kababata namin kaya parang normal na 'yung ganitong anunsyo balang araw. Expected na. Ang hindi ko lang inaasahan ay mauuntog pala 'tong si Kuya at papatulan si Red kahit alam naman niyang may gusto ako kay Red.
'Kaya rin pala ni Kuya maging tarantado?'
Wala naman akong karapatang magalit dahil wala naman akong karapatan kay Red. Kaibigan naman namin siya, at alam na nga yata ng buong barangay na patay na patay siya sa kapatid ko.
Emphasize: patay na patay ang first love ko sa kuya ko.
Pero kung totoong may feelings si Kuya kay Red ay bakit parang hindi man lang namin napansin? Kailan pa? Bakit hindi niya sinabi sa'min ni Wixton?
Madali naman nang malaman kung bakit niya itatago 'yon, baka natakot na ikanta namin kay Red. Pero wala naman talagang signs. Ano 'yon? Parang kabute na lumitaw na lang? Sobrang out-of-character pero hindi naman imposible. Alam ko namang sobrang kamahal-mahal ni Red. Maliban na lang kung pinagbibigyan niya lang ngayon si Red sa gusto niya.
Kung anoman ang dahilan ni Kuya, sana hindi niya saktan si Red. Kingina siya kung gano'n.
Tinignan ako ni Asul na parang sinasabing, "Condolence pre."
Hindi naman ako sobrang umaasa kay Red. Alam ko naman na hindi niya ako magugustuhan dahil kay Kuya siya lagi nakatingin, kulang na nga lang gawan niya ng rebulto at sambahin ang kapatid namin.
Lumandi na ako sa kanya ng isang beses. Pagkatapos maubos ng kapal ng mukha ko ay hindi na ako umulit dahil alam kong magiging payaso lang ako sa paningin niya.
Tanga ako sa kanya pero hindi ko pinangarap maging clown.
At mas lalong hindi ko ipagpapalit 'yung pagkakaibigan namin dahil lang nagkagusto ako sa kanya. Kung pwedeng itago 'yung feelings ko sa kanya at magbulag-bulagan siya ay okay lang. Sobrang lakas niya kaya sa'kin, imbes na sa kanya ako mainis, gusto ko na lang magbigti sa sobrang katangahan sa kanya.
Imbes na lumayo at sabihing tama na. Hopia pa rin at asadong-asado na baka isang araw mauntog siya sa katotohanang andito naman ako sa tabi niya at bakit kay Kuya pa siya nagkagusto. O sana ako na lang 'yung mauntog para naman makalimutan ko 'yung lahat ng katangahan ko sa buhay pati 'yung feelings ko sa kanya.
"Congrats." Ang nasabi ko na lang.
Naki-congrats na lang din si Asul bago tumingin uli sa akin.
Pagkatapos no'n, hindi na itinago ni Red kung paano siya pumulupot sa braso ni Kuya at iyong paghalik niya sa pisngi at paghilig sa balikat. Abot hanggang langit ang ligaya niya habang iwas na iwas ako parati tuwing makikita ko siyang kasama si Kuya.
Kingina, PDA kung PDA akala mo naman ikinainggit ko 'yun.
Syempre naiinggit ako at lalo akong nayayamot tuwing nakikita ko 'yung tingin ni kuya sa'kin na para akong inagawan ng candy-parang awang awa siya sa'kin. Kung tarantado ako siguro inaya ko na ng suntukan si Kuya. Kaso...hindi naman niya kasalanang nagkagusto sa kanya si Red, at hindi na rin naman ako nagtataka kung magugustuhan niya si Red pabalik.
S'yempre, si Red 'yon.
Kilala ko si Kuya, tahimik lang siya pero andaming napatol dahil misteryoso raw. Hindi nila alam puro memes lang nasa utak niya at historical facts, mas mahalaga pa sa kanya kung sinong tunay na pumatay kay Lapu-Lapu kaysa sa aming kadugo niya. Kung pwede niya kaming ibenta para lang malaman kung anong pangalan ng taong 'yon baka matagal na kaming wala sa mundo.
Hindi ko nga alam anong klaseng hangin ang pumasok sa baga niya bakit niya naisip sagutin si Red.
Hintayin ko na lang na maka-move-on ako ng kaunti at maglalandi na rin ako para mabawasan 'yung inggit. Mahirap naman humanap ng tao habang may gusto pa ako sa iba. Kamusta naman 'yung respeto ko para sa ibang tao hindi ba? May moral pa naman ako kahit papaano.
"May kandila ka ba?" Tanong sa akin ni Asul nang maisipan namin tumambay sa playground ng subdivision namin, 'yung usual tambayan na katabi ng open court. Sa totoo lang nakakatakot tumambay dito tuwing gabi kasi may mga pagkakataon na iilang streetlights lang 'yung bukas at may mga nagkalat na palaka.
Gabi na at malamok din sa playground, malabo ang streetlamp na nakatutok sa may swing at pakiramdam ko ay makakatapak ako ng tae kapag hindi ako nag-ingat sa paghakbang. Pero paborito namin dito sa playground dahil walang magulo tuwing gabi.
Nakaupo ako sa swing at nakaupo sa kabilang swing si Asul. Paulit-ulit siyang nagduyan habang ako, nakaupo lang talaga. Natuod na yata ako dahil sa anunsyo ni Red kanina.
"Bakit?" Tanong ko sa kanya. "Aanhin mo naman? Magsusunog ka?"
Tumigil siya sa pagduyan at tumayo. Tapos humarap siya sa akin at bumalik sa swing para umupo paharap sa'kin; pilit binalanse ang sarili sa swing.
Tignan mo 'tong babaeng 'to parang 'di naka-palda. Buti na lang talaga at lagpas tuhod 'yung suot niya kung hindi, baka pati multo sa playground mahiya para sa kanya.
"Nagpapasilip ka ba sa'kin?" Pilit ang tawa ko nang magtanong sa kanya. Diretso ang tingin ko sa mata niya.
Minsan sa sobrang itim yata ng kulay non parang nakikita ko na 'yung kulay ng asul na langit sa mismong mata niya. Kaso gabi na kaya ang itim lalo ng kulay ng mga 'yon.
"Makaka-move-on ka ba kapag nakasilip?"
Bumaling na lang ako uli ng tingin sa paa ko kaysa makipag-gaguhan sa kanya. Baka mamaya patulan ko 'yung alok niya tapos masira ang pagkakaibigan namin dahil lang nakita ko ang panty niya.
"Kinginang 'yan."
Narinig ko ang mahina niyang tawa. "Malungkot ka eh. Tumawa ka naman."
"Ha. Ha."
Lalong lumakas ang tawa niya. "Hindi ganyan!"
"Paano ba?"
Nakasunod ang paningin ko sa kanya nang maisipan niyang tumayo at pumunta mismo sa harapan ko.
May malamig na kamay na humawak sa magkabilang pisngi ko. "Basa ang kamay ampota. Pasmado ka na kaka-selpon."
Hinawakan ko ang kamay niya bago tumingin sa kanya.
Tipid siyang nakangiti sa 'kin, labas ang dimples na malapit sa bibig niya. Akala ko mag-j-joke na naman siya pero bigla siyang umiyak.
"Huy, bakit?"
Tinanggal ko 'yung kamay niya sa pisngi ko bago mahigpit na pinagdikit parehas ang mga 'yon sa harap namin.
"Lah, parang tanga 'to biglang naiyak."
Bigla na lang siyang lumuhod kaya hinila ko na lang siya paupo sa hita ko.
Kingina pag kami na-chismis ng kapitbahay namin o may gagong mag-picture dahil sa anggulo namin kanina baka mapunta akong city jail ng maaga.
"Panget mo." Asar ko sa kanya nang tignan niya 'ko habang tuloy pa rin sa pag-iyak.
"Bakit ka nga naiyak?" Tanong ko pa uli sa kanya, mas mahinahon kaysa kanina. Naka-kapit ang pareho kong kamay sa kadena ng swing kasi baka bigla akong matumba. Mahal ng suot kong t-shirt tapos malulupaan lang? Hindi na nga ako 'yung naglalaba tapos dudumihan pa.
Sa kanang hita ko naman siya nakaupo kaya wala siyang mauupuang hindi dapat.
Hindi pa rin naman siya sumagot kaya hinayaan ko lang siya umiyak.
Kung iniiyakan niya ako para kay Red, abnormal siya. Hindi dapat iniiyakan 'yon dahil alam kong masaya siya kay Kuya.
Masakit, oo. Pero mawawala rin naman 'yon. Pati sila malamang maghihiwalay din. At balang araw pagtatawanan lang namin 'tong katangahan ko.
Nang matapos siyang umiyak at matauhan na hindi ako isang upuan. Nagtanong uli ako sa kanya. Na sinagot niya rin ng nakakatangang tanong, "Sabi mo hahayaan mo na lang sarili mo mag-move-on 'di ba?"
Tumango ako.
"Pero 'di ba mas madali kung maghanap ka ng iba?"
Tumango uli ako. "Pero 'di ako tulad ni Wix na gumagamit ng iba para maka-move-on, 'di pa ako gano'n kagago."
"Kahit willing?"
Tumitig ako sa kanya.
Hindi ko alam kung saan papunta 'tong usapan. Sabi ko noon hindi ako dapat mag-assume kasi nakakatanga 'yon.
Iyong mga ganitong usapan nagsisimula 'yung pagkakamali o bagong biro e. Alinman sa dalawa, sana 'yung panghuli na lang. Hindi pa ako handa marinig kung anong iniisip ni Asul ngayon.
"May rereto ka sa 'kin?" Birong tanong ko sa kanya.
"Ako." Sagot niya bago tumuro sa sarili.
Natawa ako ng malakas. "Luh, kingina may pag-ganyan?"
Inabot ko ang pisngi niya bago kumurot ng mahigpit.
Lakas mang-asar nitong isang 'to akala mo naman totoo sinasabi niya.
Medyo kinabahan ako ro'n.
Akala ko natawa na rin siya. Pero nang matigil ako at hindi pa rin siya tumawa o ngumiti man lang, saka ko naramdamang umakyat lahat ng dugo ko papunta sa mukha.
Inis o kilig?
Yuck sa pangalawa.
"Parang kapatid na kita, kinginang 'yan."
Tapos ngumiti siya.
Hinintay ko na 'yung korni niyang joke. Handa na nga 'yung tawa ko e.
"Seryoso, Will. Kahit mga 1 month lang? Malay mo?"
Kunot ang noo kong tumingin sa kanya. "May gusto ka sa 'kin o trip mo lang humarot?"
Sa totoo lang, kung may iba akong magugustuhan sana si Asul na lang. Pero tulad ng rason ko sa hindi pag-amin ng feelings kay Red hindi ko na uli inisip 'yung chance na sana si Asul na lang.
Alam kong mas magtatagal at maiingatan ko siya bilang kaibigan.
"Try lang nga."
Umiling ako. "Utot mo. Maghanap ka ng iba kung gusto mo."
"Ayaw mo talaga?" Tanong niya uli sa 'kin.
"Tapos ano pag naghiwalay tayo? Babye na? Utot. Magkaibigan tayo, hindi ko i-r-risk dahil lang nag-alok ka ng-"
Nanlamig ako nang hilahin niya ang kadena ng swing ng inuupuan ko bago inilapat ang labi sa akin.
Kingina 'yung first kiss ko.
"Try nga lang." Bulong niya sa pagitan namin. Pigil ang hininga kong tumitig sa kanya pababa sa labi niya.
Hahalikan niya sana uli ako pero mabilis ang kamay kong tumakip sa bibig niya. "Kinginang 'yan, Beatrice."
Wala na 'yung first kiss ko.
Kingina, pwede bang i-refund 'yon? Naka-reserve 'yun para kay Red hindi para sa kanya!
"Hmph."
Tumapik siya sa braso ko kaya tinanggal ko ang kamay ko sa bibig niya pero nanatiling nakahawak ang isa kong kamay sa balikat niya para kung sakaling maisipan niyang manunggab uli, mapipigilan ko na.
Alam ko namang gwapo ako pero grabe naman, 'wag naman ako tukain bigla.
"Isa pa, isusumbong kita kay Mama." Kahit hindi ko naman talaga siya isusumbong. Baka nga tuksuhin lang ako ni Mama.
"Okay hindi na."
"Hindi mo ako gusto 'di ba?" Tanong ko.
Naghintay uli ako ng sagot.
Gusto kong mag-joke siya o sabihin niyang tinatarantado niya lang ako ngayon para hindi ko isipin si Kuya at Red pero kumurap lang siya sa akin. Na 'yung pag-iyak niya kanina ay dahil lang nagdadrama siya sa buhay at hindi dahil nasasaktan siya para sa'kin.
"Ano?" Naiinip na tanong ko sa kanya.
Sabihin mo hindi totoo, joke lang 'yon. Friendly kiss lang, walang malisya.
"Medyo gusto kita."
Napatitig ako sa kanya. Kabisado ko naman na ang mukha niya. Alam ko kapag nagsisinungaling siya...pero hindi rin ako sigurado minsan dahil hindi naman kami parating nagkikita, pero sapat na 'yung mga panahong patago kaming naglalaro nila Red noon sa bahay kasama sila Kuya para malaman kung kailan siya seryoso o hindi.
Parang sasabog ang puso ko ngayon sa kaba.
Malamig 'yung ihip ng hangin pero ang init ng buong katawan ko.
"Gusto mo 'ko?" Tanong ko uli sa kanya.
Tumango siya, pero mukhang hindi siya sigurado.
Kinginang 'yan.
Magsisinungaling ako kapag sinabi kong hindi ko naisip noon na baka may gusto sa'kin si Asul. Siya rin unang nakaalam na may gusto ako kay Red. Siya lang ang lagi kong kasama simula nang mag highschool kami.
Naisip ko na baka nga type niya ako kasi wala namang ibang dahilan para samahan ako 'di ba?
Pero pinigilan kong mag-assume kasi wala naman siyang ginawang kahit anong pwedeng bigyan ng malisya.
Pero ngayon...bakit kailangan niya akong halikan ngayon?
"Oo...yata?"
"Talaga?"
"Yata. Hindi ako sigurado, pero gusto kita. Sigurado ako pero hindi ko alam kung...gaano kagusto."
Napabuntong-hininga na lang ako. Kinikingina lang ako nitong babaeng 'to.
"Kapag nagkagusto ako sa 'yo tapos sinabi mong trip lang 'tong sinabi mo ngayon sa 'kin lagot ka." Banta ko sa kanya.
Alam kong mas mataas ang posibilidad na magkagusto ang isang tao sa taong nagkakagusto sa kanya kapag nag-confess. Alam ko 'yon dahil sinearch ko na 'yon sa google sa sobrang hopia ko.
"Kapag nagkagusto ka sa'kin."
"Na hindi imposible."
Kung awa ang dahilan kung bakit ganito si Asul, at kung ito din ang magiging dahilan para matapos ang ilang taon kong katangahan-sana hindi ako mahulog sa kanya.
Alam kong walang kasiguraduhan kung may pag-asa pa ako kay Red sa hinaharap pero kung kay Asul ako mahuhulog ay alam kong mas delikado ako.
Matagal ko nang alam na masasaktan ako sa paghihintay pero mas alam kong mas masasaktan ako sa walang kasiguraduhang feelings ni Asul.
Ngumuso siya. "So ano kapag nagkagusto ka sa 'kin?"
"Ibig sabihin masasaktan ako kasi inaasar mo lang ako ngayon, kingina ka."
Parang premonisyon na pala 'yon.
Dahil alam kong mas masasaktan ako sa hinaharap kung kay Asul ako mahuhulog.