"Is that Julio's daughter?"
"You mean the girl whose mother is a whore from the slums?"
"Totoo ba na nang kunin siya nakakulong daw siya cabinet at takot na takot?
Nanliliit si Nadine habang pinakikinggan ang usap-usapan ng mga tao sa paligid niya. Isinama siya ng amang si Julio sa party sa isang magandang mansion na animo ay palasyo. Kaarawan ni Uncle Max, ang kaibigang matalik ng ama. Iyon ang una niyang pagharap sa publiko bilang anak ni Julio Baluarte. At hindi iyon maganda.
Pakiramdam niya ay isa siyang hayop sa zoo na pinagtitinginan ng mga ito. Sa kabila ng magandang peach dress na suot niya at mga alahas na ipinasuot sa kanya ng trainer niya para magmukhang mayaman, isang babae galing pa rin sa squatter ang tingin ng mga ito sa kanya.
Di naman niya ikinakaila na laki siya sa squatter's area. Doon siya ipinanganak ng inang si Consuela, lumaki na kasa-kasama nito sa pagma-manicure at pedicure sa mga kapitbahay nila at siya naman ay naglalako ng paninda. Doon siya nabuhay sa loob ng labing anim na taon. Naulila siya tatlong buwan na ang nakakaraan nang pasukin ng adik nilang kapitbahay ang bahay nila. Subukan silang nakawan at muntik na siyang gahasain kundi lang dumating ang nanay niya para sagipin siya. Pinagtulung-tulungan naman na gulpihin ng mga kapitbahay nila ang adik na pumatay sa nanay niya.
Nabalita iyon sa TV kaya naman natunton siya ni Julio Baluarte, isang negosyante at dating nobyo ng nanay niya. Nawalan ng komunikasyon ang mga ito dahil ipinadala ang ama niya para mag-aral sa ibang bansa. Di nalaman ng ama niya na buntis ang nanay. Tulala siya nang mga panahon na iyon at ang ama niya ang nag-asikaso sa pagpapalibing sa ina. Ni hindi niya magawang umiyak dahil iyon ang bilin ng nanay niya. Kailangan daw niyang maging matatag.
Mas nahirapan pa siya sa pagkawala ng ina nang dalhin siya ng ama sa villa na pag-aari nito. Nakakalula na halos di sila magkakitaan, magagara ang damit, mas malaki pa ang kuwarto niya na pangprinsensa sa dati niyang bahay na may malaking TV, computer, banyo na may shower at bathtub pa at may swimming pool din sa labas. Pero pakiramdam niya ay di siya bagay sa lugar na iyon. Gaya nang di siya bagay sa party na iyon. Kahit gaano pa siya kaganda, basura pa rin ang tingin sa kanya ng mga tao.
Gusto niyang magbasag ng bote ng alak at pagsasampalin ang mga ito ng basag na bote o kaya ay pakainin ng bubog. Kamamatay lang ng nanay niya pero di magawang irespeto ng mga ito.
Nakangiti niyang hinarap ang mga tao. "Alam ninyo, akala ko ang mga mayayaman mga sosyal may magandang asal. Wala rin palang kaibahan sa mga tsismosa kong kapitbahay sa squatter's area 'no?"
Natigilan ang mga ito. Ang iba sa mga ito ay nagtaas ng kilay at ang iba ay umirap. "She has the temerity to answer back," anang matandang babae na mukhang mannequin na ang mukha at di na gumagalaw.
"What do you expect from the daughter of an addict and a who..."
"Subukan ninyong tawagin na mababang klaseng babae ang nanay ko at papatulan ko kayo," banta niya at akmang susugurin ito. Hinawakan niya ang wine glass nang mahigpit at ihinampas iyon sa mesa. Nabasag ang baso at handa na talaga siyang gurlisan ang mukha ng mga matrona na makakapal ang make up.
Nanginginig siya sa galit. Wala siyang pakialam kung mag-eskandalo siya doon pero di siya papayag bastusin ang alaala ng nanay niya.
Pahakbang na siya nang may pumigil sa braso niya. Matalim niyang tiningnan ang may-ari ng kamay. Si Miller Sebastian iyon, ang birthday celebrant. Beinte anyos na ito at ibang-iba sa mga kababata niya sa looban. Matangkad ito, matikas, guwapo at mukhang mabango. Nakasuot ito ng black coat habang naka-brush up ang buhok.
Naaalala niya dito ang bida sa anime na paborito niya - si Touya Kinimoto ng anime na Cardcaptor Sakura. Astig na astig ito. Kapag nasa paligid ito, di niya aalis ang tingin dito. Poetry in motion daw ang tawag sa kilos nito.
Ito rin ang dahilan kung bakit napapayag siya ng ama na sumama sa party na iyon. Si Miller lang kasi ang kilala niya na kaedad niya dahil di naman siya gaanong lumalabas ng bahay at nakikisalamuha sa mga tao sa village. Lagi siya nitong kinukumusta pero di ito mapilit o makulit. Di niya alam kung matipid lang itong magsalita o ayaw lang siyang kausapin. Basta di nito nakakalimutan na dalhan siya ng cake na nagpapasaya sa kanya. Pero nang mga oras na iyon, hindi niya alam kung kakampi ito o kalaban. Mayaman din kasi ito gaya ng iba.
"Huwag mo na silang patulan. Don't ruin this party," mariing saway ng lalaki.