Walang pakundangan niyang binuksan ang pinto. She didn't even bother to knock. "Papa, hindi ako makapaniwala na ibinigay ninyo ang Vice Presidency for Marketing kay Mr. Claveria. It is supposed to be mine."
Nakataas ang kilay nitong inangat ang tingin mula sa binabasang report at bored siyang tiningnan. "What makes you think that he doesn't deserve the position and you deserve it better? Ilang taon ang seniority niya sa iyo. Kahit ang Kuya Thirdy mo ay hindi nakuha ang posisyon ng Vice President for Operations noong thirty years old na siya."
Well, she worked so hard to be better than her brother. Ipinanganak siyang pamamahalaan ang Ageless Beauty kaya naman nagsikap siya para umangat sa lahat. Akala niya ay mapapansin iyon ng ama niya at ibibigay ang nararapat para sa kanya. She was not a brat. Kung nasaan man siya, pinaghirapan niya iyon. Di niya ginamit ang pagiging Valdesco niya.
Kinuyom niya ang mga palad habang kinokontrol ang sama ng loob. "Papa, age is irrelevant here. Hindi kaila sa inyo na maraming nagawang palpak si Mr. Teodoro. I am the one who cleans up his mess time and again. Gusto ba ninyong ilagay ang isang importanteng posisyon sa kompanya? This is stupid."
Tumiim ang anyo nito. "Sinasabi mo bang istupido ako?"
Mariin siyang pumikit at bumilang ng sampu bago muling sinalubong ang mga mata nito. Ano ba ang nakita nito kay Mr. Claveria? He was a yes-man. Wala itong sariling isip. Kailangan pa nitong laging magpaalam sa ama niya bago magdesisyon. Ni hindi nito inaanalisa kung ano ang makakabuti sa kompanya. Iniisip lang nito ang mabuti sa ego ng ama niya. Kaya naman pumapalpak ang mga campaign na hawak nito.
"Papa, please see reason. Hindi pa ba sapat ang mga nagawa ko mula nang tumapak ako sa Ageless Beauty? I rose from the ranks. At lahat ng projects na hawakan ko ay nagpataas ng sales natin. Do you want records to back that up?" naghahamon nyang tanong.
"Hindi ka bagay sa posisyong 'yon. That's why I am firing you. Di ka na pwedeng magtrabaho pa sa kompanya."
Bumagsak ang panga niya sa labis na pagkagulat. Inaalisan siya nito ng trabaho? Daig pa niya ang binagsakan ng bomba. "Papa! Di ninyo pwedeng gawin sa akin 'to!"
Halos buong buhay niya ay umikot sa kompanya. She knew she was good at her job. She was even dubbed as the future of Ageless Beauty. Malaking kalokohan kung aalisin lang siya nito sa trabaho. Dahil ano?
"I can," he said in a serious and decided tone. "Hindi kita pwedeng bigyan ng mabigat na posisyon sa kompanya dahil alam ko na iiwan mo rin iyon sa huli."
Ipinilig niya ang ulo. "Hindi ko magagawa iyon. Mahal na mahal ko ang trabaho ko. Halos buong buhay ko ay ibinigay ko sa kompanya. Paano ninyo naisip na iiwan ko ang trabaho ko at ang kompanya? Napaka-unreasonable ninyo, Papa."
Buong buhay niya ay inialay niya para mapasaya ang ama niya. Wala ito halos panahon sa kanilang mag-ina dahil lagi nitong inaasikaso ang Ageless Beauty. Twelve years old siya nang mamatay ang Mama niya dahil sa breast cancer. Akala niya ay magiging malapit na sila sa isa't isa dahil sila na lang ang magkasama sa buhay.
Tatlong buwan ang lumipas ay inuwi nito sina Serafina at si Thirdy o Teodoro Valdesco III. Na-shock siya na malamang may kapatid ang ama niya sa labas. Mas matanda ito ng pitong taon sa kanya. Bata pa ang ama niya at si Serafina nang maging magnobyo ang mga ito. Pinalayo ang mga ito sa isa't isa dahil mahirap lang si Serafina at hindi bagay sa pamilya ng ama niya. Sa halip ay ipinapakasal ang ama niya sa nanay niya nang makatapos ito ng pag-aaral. Ilang buwan bago mamatay ang nanay nang magkita ang mga ito. Di pa daw ipinaalam sa kanya dahil nagdadalamhati pa siya.
Tinanggap niya sina Serafina at Thirdy nang walang pagtutol. Mabait si Serafina sa kanya at sabik sa anak na babae kaya nahuli nito ang loob niya. Inaasikaso siya nito kaya naman di niya gaanong nadama ang pagpanaw ng nanay niya.
Subalit nagsilbing banta sa pagsasama nilang mag-ama si Thirdy. Naging malapit agad ang mga ito sa isa't isa. Noong una ay inisip niya na bumabawi ang ama niya sa mga taong nawala sa mga ito. Pero nakahalata na siya na iba ang trato dito ng ama dahil pinag-uusapan na agad ng mga ito ang pagpasok sa kompanya ni Thirdy. Paborito agad ito kahit na di ito masyadong matalino.. Minsa'y napapasok ito sa gulo pero di ito hinihigpitan ng papa niya at laging pinagbibigyan. He would always bail her brother out.
Kaya naman dinoble niya ang pagsisikap sa pag-aaral. She even graduated magna cum laude in Marketing.
Nagtrabaho agad siya sa Ageless Beauty at ibinuhos niya ang lahat ng talino para sa pagpapaunlad ng kompanya. Ilang beses na silang nagkatalo ng papa niya at Kuya Thirdy dahil sa makalumang paraan ng pagtingin ng mga ito sa bagay-bagay minsan. Napatunayan niyang mas mahusay ang ideya niya. Umaasa siyang sa pagpapakita ng husay sa pamamahala ay magiging proud ito sa kanya. Baka kahit kapiraso ng pagmamahal na ipinakikita nito sa Kuya Thirdy niya ay maranasan din niya.
Pagkatapos ay ito pa ang igaganti ng ama niya sa kanya. Gusto nitong putulin ang kaugnayan niya sa kompanya. Doon lang niya nararamdaman na napapalapit siya dito. Mahaba ang mga usapan nila at nalalaman niya ang saloobin nito kahit bilang empleyado lang. Ngayon ay gusto nitong putulin ang kaugnayang iyon. Parang nawalan na siya ng pag-asang maranasan pa ang pagkilala at pagmamahal nito.
Tumayo ito at ibinuka ang mga kamay. "That's the point. Halos buong buhay at panahon mo ay inialay mo sa kompanya. You eat with it, breathe with it. Masyado ka nang nalilibang sa pagtatrabaho. Twenty-seven years old ka na. Ni di ka pa nagkaka-boyfriend. Wala ring umaakyat ng ligaw sa iyo dahil wala kang oras makipag-date. You even work harder than me."